VIGAN CITY – Naiuwi na sa lalawigan ng Ilocos Sur ang labi ng isang Pinay domestic helper sa Cyprus na pinaniniwalaang biktima ng serial killer na natagpuan ang bangkay sa loob ng maleta na itinapon sa Red Lake, Mitsero, Cyprus noong nakaraang buwan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan, kinumpirma ni Gabur Norte, Sta. Cruz, Ilocos Sur barangay chairman Edgardo Jaduca na kahapon ng umaga, July 28, dumating ang bangkay ng kaniyang pinsan na si Maricar Valdez Arquiola sa kanilang lugar.
Magkahalong lungkot at saya umano ang naramdaman ng pamilya ni Maricar dahil nai-uwi na sa Pilipinas ang bangkay nito kahit pa kalunos-lunos ang sinapit nito sa bansang Cyprus.
Una nang sinabi ng kapatid ng biktima na si Ricardo na sinagot umano ng gobiyerno ng Cyprus at embahada ng Pilipinas sa nasabing bansa ang lahat ng gastusin sa pagpapauwi sa bangkay ng kapatid nito na siyang ipinagpapasalamat ng kanilang pamilya.