VIGAN CITY – Hindi pa umano tiyak ng pamilya ng Pinay domestic helper na kabilang sa pitong pinatay ng pinaniniwalaang serial killer sa Cyprus kung kailan ito maiuuwi sa Barangay Gabur Norte, Sta. Cruz, Ilocos Sur.
Ito ay matapos makumpirma na ang naaagnas na bangkay na natagpuan sa loob ng suitcase na itinapon sa lawa sa Mitsero, Cyprus ay si Maricar Arreola Valdez na tubo sa nasabing barangay.
Sa mensaheng ipinadala sa Bombo Radyo Vigan ni Gabur Norte, Sta. Cruz Barangay Chairman Edgardo Jaduca na isa sa mga kamag-anak ng biktimang si Valdez, inaayos pa umano ng ina ng biktima ang mga kailangang requirements para mai-uwi ang bangkay nito sa bansa at mabigyan ng disenteng burol at libing.
Ayon kay Jaduca, marami umanong kailangang dokumento at mahaba ang proseso kaya posibleng matagalan pa ang pag-uwi sa bangkay ng kanilang kamag-anak.
Una na nitong sinabi sa base sa DNA test na isinagawa sa biktima, nag-match umano ito sa kanilang kamag-anak na noon pang nakaraang taon na nawawala matapos na magpa-alam sa ina na pupunta sa isa nitong kaibigan.