(Update) VIGAN CITY – Labis pa rin ang hinagpis ng pamilya ng isa sa Pinay domestic helpers sa Cyprus matapos na makumpirma ang natagpuan na bangkay sa loob ng suitcase na itinapon sa man-made Red Lake sa Mitsero, Cyprus.
Ang biktima ay una nang nakilalang si Maricar Valdez, na taga-Gabur Norte, Sta. Cruz, Ilocos Sur base sa DNA test na isinagawa sa bangkay nito at sa kumpirmasyon ng ina nitong kasama niya sa Cyprus.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Gabur Norte, Sta. Cruz Barangay Chairman Edgardo Jaduca na isa sa mga kamag-anak ng biktima na noong 2018 ay bigla na lamang umanong nawala si Maricar matapos itong magpa-alam sa ina na pupunta sa kaibigan nito.
Hindi umano nila akalain na hahantong sa nasabing sitwasyon ang sasapitin ng kanilang nawawalang kamag-anak na nagpunta sa Cyprus para magtrabaho para sa kaniyang pamilya.
Ayon sa mga otoridad sa Cyprus, ang nasabing Pinay DH ang pinaniniwalaang ika-anim na biktima ng suspected serial killer sa nasabing bansa kung saan ang limang iba pa ay natagpuan rin sa loob ng dalawang suitcase na narekober sa kaparehong lawa kung saan nakita ang bangkay ni Maricar.
Sa ngayon, inaaayos na umano ng ina ni Maricar ang mga kailangang dokumento para maiuwi sa probinsiya ang bangkay nito at mabigyan ng disenteng burol at libing.
Kung maalala noong buwan ng Mayo ay nagbitiw sa kaniyang puwesto ang justice minister ng Cyprus dahil sa kasong patayan na hindi inimbestigahan.
Kasunod ito nang pag-amin ng 35-anyos na Greek-Cypriot army officer Captain Nicos Metaxas na nakapatay ng mga migrants na babae.
Sinasabing ang kanyang pinatay ay apat na mga Pinay kabilang ang isang ina at anak na dalagita na anim na taong gulang lamang; isang Romanian woman at anak na anim taong gulang at isa pang babae na Nepalese.
Una na ring kinilala na kabilang sa pinatay ay sina Mary Rose Tiburcio, 39, at Arian Palanas Lozano na kapwa mga domestic workers mula sa Pilipinas.
Kasama rin sa idinamay ng serial killer ay ang anak ni Tiburcio na si Sierra, 6.
Ang serye nang patayan ay nagbunsod sa ilang mga residente sa Cyprus na magsagawa nang kilos protesta upang hilingin ang hustisya para sa mga biktima.
Ilan sa mga detalye na lumabas sa court hearings, ay sinabi umano ng army officer na nakilala niya ang ilang mga babae sa pamamagitan ng online dating site.
Iniulat naman ng State-run Cyprus News Agency na nagsabi raw ang mga imbestigador sa korte na inamin daw ng suspek na sinakal niya ang isa mga biktima na kanyang nakilala online matapos makipag-sex.