-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Nai-cremate na ang labi ng Slovak tourist na natagpuan sa karumaldumal na kamatayan sa abandonadong chapel kamakailan lamang sa Barangay Balabag sa isla ng Boracay at nakatakda na itong iuwi sa kaniyang kaanak sa susunod na mga araw sa bansang Slovakia.

Ayon kay P/Capt. Aubrey Ayon, tagapagsalita ng binuong Special Investigation Task Group, nasa 80 porsyento na ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang malutas ang krimen at maisilbi ang hustisya sa biktimang si Michaela Mickova, 23-anyos na positibong may naganap na sexual abuse bago pinatay kung saan, natagpuan na lamang sa kalunos-lunos na kalagayan matapos ang ilang araw na pagkawala nito.

Nilinaw naman ni P/Capt. Ayon na person of interest pa lamang ang kanilang hawak at walang napabilang na dayuhan tulad ng mga naunang napabalita kung saan, patuloy pa ang kanilang pangangalap ng impormasyon at ebidensya ngunit tumangging magbigay ng dagdag na detalye sa krimen upang maprotektahan ang takbo ng kanilang imbestigasyon.

Samantala, nagpalabas ng P100,000 pesos na pabuya ang tanggapan ni Aklan 2nd district Congressman Teodorico Haresco para sa makapagbigay ng impormasyon upang mapabilis ang pagresolba sa kaso.

Nabatid na dumating sa isla ang dayuhang turista noong March 1 upang dumalo sa kasal ng kaniyang kaibigang Pinay ngunit naibalitang nawawala ito noong March 10 hanggang sa noong March 12 hay natagpuan na lamang sa abandonadong kapilya na walang saplot pang ibaba at nasa state of decomposition.