DAGUPAN CITY – Nagpaabot nang pakikidalamhati sa pamamagitan ng isang aprubadong resolusyon ang sangguniang panlalawigan ng Pangasinan sa pamilya ng yumaong dating Dangerous Drugs Board (DDB) chairman Antonio Bebot Villar, Jr.
Ayon kay Fifth District Board Member Clemente Arboleda Jr. na siyang pangunahing may akda sa nasabing resolusyon, si Villar ay isang simbolo ng matibay at respetadong lider at haligi sa bayan ng Sto. Tomas.
Siya ay naging mayor ng Santo Tomas sa loob ng 23 taon mula 1972 hanggang 1992 at noong 2001 hanggang 2004.
Siya ang pinakamatagal na nanungkulang mayor sa Pangasinan.
Matatandaan na namatay si Villar dahil sa pneumonia at chronic kidney disease noong Biyernes ng gabi sa St. Luke’s Medical Center sa Quezon City.
Kasalukuyan siyang pinaglalamayan sa Cosmopolitan Memorial Chapels sa Araneta Avenue, Quezon City.
Nakatakdang i-cremate ang kanyang labi sa araw ng Miyerkules.
Samantala, dadalhin naman sa kanyang bayan upang paglamayan ng isang gabi sa kanyang tahanan sa Barangay San Antonio at ililipat kinabukasan sa araw ng Huwebes hanggang Biyernes sa St. Thomas Aquinas Church para sa public viewing.
Ang kanyang libing ay sa Sabado pagkatapos ng misa ganap na ala-8:00 ng umaga at ihahatid ito sa kanyang huling hantungan sa Memorial Park sa bayan sa Santo Tomas.