Nagbabala ang National Disaster and Risk Reduction Management Council sa posibleng mga pagbaha sa ilang lugar sa Luzon ngayong araw.
Kagabi, July 22, ay una kasing itinaas ang Orange Rainfall Warning sa Metro Manila, Cavite, at Rizal.
Kabilang din dito ang Ilocos Norte sa Region 1, Zambales, Bataan, Pampanga, at Bulacan sa Central Luzon, at probinsya ng Romblon sa MIMAROPA.
Ayon sa NDRRMC, nagbabanta ang matinding pag-ulan, pagbaha, at pagguho ng lupa sa mga naturang probinsya.
Dahil dito ay pinag-iingat ng NDRRMC ang publiko laban sa mga naturang banta.
Pinayuhan din nito ang publiko na bantayan ang mga bagong direktiba o abiso ng mga lokal na pamahalaan.
Ipinapayo rin ng konseho sa publiko ang pagiging mapag-obserba sa gitna ng tuloy-tuloy na mga pag-ulan na pinapalakas pa ng bagyong Carina.
Ayon naman sa Department of Science and Technology (DOST), bagyong Carina at Habagat ang dahilan ng mga pag-ulan.