BAGUIO CITY – Inamin ngayon ni ACT-CIS at Benguet Caretaker Rep. Eric Yap na matinding pagkapagod ang dahilan kung bakit ito dinala sa Benguet General Hospital (BGH) kaninang madaling araw.
Sa kanyang social media post, sinabi ng opisyal sumailalim ito sa iba’t ibang test sa nasabing pagamutan at nalamang wala naman itong ano mang seryosong karamdaman.
Ipinaliwanag nito na ang malaking factor sa biglaang paghina ng aking katawan ang fatigue, stress at pati na rin ang pabago-bagong panahon sa lalawigan Benguet.
Nagpapasalamat naman ito sa Diyos at sa lahat ng nagdasal at nagpaabot ng mensahe para sa kanyang agarang paggaling.
Sa ngayonnasa mabuti nang kalagayan si Rep. Yap at ito ay patuloy na nagpapagaling sa nasabing pagamutan.
Una nang sinabi sa Bombo Radyo Baguio ni Kevin See, chief of staff ni Rep. Yap na sunod-sunod ang naging aktibidad ng kongresista at pinamunuan pa nito ang isang pulong na nagtapos kaninang alas tres ng madaling araw.
Sinabi nito na kaninang alas kuatro ng madaling araw ay nakarinig sila na kalabog mula sa silid ng mambabatas at doon nila nakita ang opisyal na nakahiga sa sahig at minamasahe ng kanyang ina.