CAUAYAN CITY – Tutugunan ni Labor Sec. Silvestre Bello ang hinaing ng ilang overseas Filipino workers (OFW) sa Oman na isang beses kada araw na lang sila kumakain dahil wala silang natatanggap na tulong at hindi sinasagot ng Embahada ng Pilipinas ang kanilang mga mensahe sa pamamagitan ng email.
Nauna rito ay idinulog ng Bombo Radyo Cauayan kay Sec. Bello ang sitwasyon ng ilang OFWs, kabilang si Joel Agustin, tubong Nueva Ecija at waiter sa Oman ngunit sarado dahil sa lockdown ang pinaglilingkurang restaurant.
Sinabi ni Agustin, noong Pebrero pa sila huling sumahod at naipadala nila sa kanilang pamilya sa Pilipinas ang bahagi ng kanilang sahod.
Wala silang natatanggap na tulong kaya tinitipid nila ang kanilang pagkain.
Hindi rin daw sila kumakain ng agahan at pananghalian kundi sa gabi na lamang.
Sinabi ni Bello na kakausapin niya ang Labor Attache sa Oman para tingnan ang sitwasyon ni Agustin at mga kasamang Pinoy.
Nagbanta ang kalihim na agad niyang pauuwiin ang labor attache kung mapapatunayan na walang ginagawang hakbang para matulungan o mapangalagaan ang kapakanan ng mga OFWs sa Oman.