-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Hinihintay ng lamang ng Department of Labor and Employment (DOLE) na magtungo sa kanilang tanggapan ang pamilya ni Analiza Laman Cagurangan, ang OFW na nagpakamatay sa Oman.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Labor Secretary Silvestre Bello III sinabi niya na ipinag-utos na niya sa Labor attache’ sa Oman ang pagsisiyasat sa nasabing pagpapakamatay ng nasabing OFW.

Aniya hindi maaaring magtiwala sila agad sa kung ano ang lumabas sa social media dahil sa ngayon ay talamak ang pagkalat ng fake news.

Nakikipag-ugnayan na ang ahensiya sa Oman upang mapauwi sa San Mariano, Isabela ang bangkay ng nasabing OFW.

Pinamamadali na rin niya ang pagsisiyasat sa kung ano ang tunay na pangyayari sa pagpapakamatay ni Analiza.

Samantala, nlungkot ang isang OFW advocate sa pagpapakamatay ni Analiza Laman Cagurangan na dating na nilang natulungan .

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Reuel Yumol isang OFW advocate mula sa Jeddah,Saudi Arabia, sinabi niya na una na nilang nasagip si Analiza sa Taif City, Saudi Arabia noong May 1, 2016 dahil sa ulat ng pagmamaltrato ng kaniyang amo.

Aniya dahil wala silang nakausap na kapamilya si Analiza ay siya na mismo ang tumayong complainant para sa OFW

Inatasan anya ng mga otoridad ang employer ni Analiza Laman Cagurangan na dalhin sa himpilan ng pulisya sa Taif City ang OFW dahil sa ulat na ito ay binubugbog at kanilang napatunayan matapos na makitang puno ng pasa ang katawan ng nasabing OFW.

Matapos nito ay nakipag-areglo umano si Analiza sa kanyang employer sa himpilan ng pulisya at ibinigay ang lahat ng sahod nito na hindi naibigay.

May 8, 2016 ng ihatid nila si Analiza sa airport upang umuwi na sa Pilipinas.

Aniya matapos na marescue at ma-repatriate si Analiza Laman Cagurangan ay muli siyang nagbalik sa Saudi Arabia bago siya nagtungo sa Oman kung san siya nagpakamatay.