-- Advertisements --

Tuloy pa rin ang nakatakdang job fair at iba pang aktibidad ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Pampanga sa kabila nang nangyaring lindol kamakailan.

Ayon kay Acting Secretary Ana Dione, hindi balakid ang nangyaring sakuna para maantala ang handog ng DOLE para sa mga manggaawang Pilipino sa Labor Day 2019 o sa Mayo 1.

Aniya tuloy pa rin sa May 1 ang job fair sa Kingsborough International Convention Center, San Fernando, Pampanga kahit pa apektado ang naturang probinsiya ng 6.1 maglnitude na lindol.

Tuloy din ang ibinidang ang groundbreaking ng pinakaunang DOLE-overseas Filipino worker (OFW) hospital sa Labor Day na itatayo sa San Fernando, Pampanga.

Maliban sa Pampanga magkakaroon din ng job and business fair sa 31 lugar sa buong bansa na gaganapin sa paggunita ng Araw ng Paggawa sa susunod na linggo.

Sa inisyal na ulat ng Bureau of Local Employment, mahigit 1,500 employer ang lalahok dito at tinatayang aabot sa 200,000 local at overseas job ang iaalok sa malawakang Trabaho, Negosyo, Kabuhayan (TNK) at Build Build Build (BBB) job and business caravan.

Ang gaganaping paggunita sa taong ito ay may temang “Pagpupugay sa Manggagawang Pilipino.”