Naunsyami umano ang lalagdaan sanang kasunduan ng Pilipinas sa pagitan ng China at Canada para sa proteksyon ng mga Filipino worker dahil sa pandemya.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, kung nalagdaan na sana ang bilateral agreements ay magkakaroon na sana ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Beijing, Shanghai, Shenzhen sa China, at sa Vancouver, Canada.
Ang POLO ang siyang tumutugon sa pangangailangan ng mga distressed overseas Filipino workers at iba pang mga labor dispute na dawit ang mga manggagawang Pinoy.
Kumpiyansa naman ang kalihim na mapipirmahan ang mga kasunduan sa unang quarter ng 2021.
Base sa record ng Labor department, nasa 1.6-milyong OFWs ang nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa nasabing bilang, nasa 500,000 ang napauwi na sa Pilipinas at patuloy na binibigyan ng tulong ng pamahalaan.
Batay naman sa datos mula sa Department of Foreign Affairs, nasa halos 13,000 Pinoy sa ibayong dagat na ang dinapuan ng COVID-19.