Muling nagsampa ng petisyon ang isang labor group matapos ibasura ng wage board ang naunang paghahain na humihingi ng P470 na dagdag sa pang-araw-araw na minimum na sahod sa Metro Manila.
Sinabi ni Trade Union Congress of the Philippines president Raymond Mendoza na sa isinaling petisyon, tinanggal na ang terminong “across-the-board,” na ibibigay sa lahat anuman ang salary level.
Iginiit naman ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board ng National Capital Region na ang isang across-the-board wage hike petition ay labas na ng kanilang authority.
Ayon sa wage board, ang mandato nito ay “limitado lamang sa minimum wage fixing at determinasyon sa rehiyon.
Iminungkahi ng TUCP na taasan ang sahod ng mahigit 5 milyon araw-araw na minimum wage earners sa Metro Manila para makayanan ang kamakailang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Binanggit ni Mendoza na huling na-adjust ang daily minimum wage noong 2018.
Hindi naghain ng petisyon ang kanyang grupo noong 2020 at 2021 dahil sa COVID-19 pandemic.
Magugunitang, humiling din ang TUCP ng P430 na dagdag sahod sa Central Visayas, at ang minimum na sahod sa rehiyon ng Davao ay itaas sa P814.
Sinabi ng labor department na ang mga petisyon sa pagtaas ng sahod para sa mga manggagawa sa Metro Manila ay pagdedesisyonan sa buwan ng Mayo. Top
-- Advertisements --