-- Advertisements --

Nakuha ng Pag-IBIG Fund ang suporta ng Federation of Free Workers (FFW) na isa sa mga nangungunang organisasyon ng manggagawa sa bansa, sa plano nitong taasan ang halos apat na dekada na mandatory monthly savings rate para sa mga miyembro at kanilang mga employer simula Enero 2024.

Ang Federation of Free Workers ay binanggit ang responsableng pamamahala ng ahensya sa mga pondong ipinagkatiwala ng mga manggagawang Pilipino.

Gayundin ang pagsisikap nitong magbigay ng social protection para sa mga miyembro nito alinsunod sa charter nito.

Binigyang-diin pa ni Federation of Free Workers national president, Sonny Matula na ang suporta ng kanilang grupo sa planong pagtaas ng rate ng Pag-IBIG Fund ay nakasalalay sa pangako ng ahensya na higit pang pagbutihin ang mga benepisyo ng mga miyembro nito.

Sa ilalim ng bagong savings rates ng Pag-IBIG Fund, ang pinakamataas na buwanang kompensasyon na gagamitin sa pag-compute ng kinakailangang dalawang porsiyentong ipon ng empleyado at dalawang porsiyentong bahagi ng employer ng mga miyembro ng Pag-IBIG Fund ay tataas sa P10,000, mula sa kasalukuyang P5,000.

Bilang resulta, ang buwanang ipon ng mga miyembro ng Pag-IBIG Fund, para sa share ng empleyado at katapat ng employer, ay tataas sa P200 bawat isa mula sa kasalukuyang P100.