-- Advertisements --
ALAN TANJUSAY ALU TUCP

VIGAN CITY – Umaapela sa pamahalaan ang isang labor group sa bansa na ipatupad na ang National ID system upang mas mabilis na mabigyan ng ayuda ang mga residenteng naapektuhan ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Associated Labor Union-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) Spokesman Alan Tanjusay, sinabi nito na sa pamamagitan ng nasabing sistema, mas madali at mas mabilis umanong matukoy kung sino-sino ang mga kuwalipikadong benepisaryo ng mga programang handog ng pamahalaan sa kalagitnaan ng krisis lalo na ang social amelioration program.

Iginiit nito na kung mayroon man umanong mga reklamo o agam-agam sa pagpapatupad ng National ID system, hindi na umano ito applicable sa mga panahon ngayon dahil mas prayoridad ang pamamahagi ng tulong o ayuda para sa mga labis na naapektuhan ng krisis dulot ng COVID- 19.

Naniniwala ang tagapagsalita ng nasabing grupo na kung mayroong maayos na sistema sa pag-identify ng mga benepisyaryo ng mga programa ng pamahalaan ay wala umanong masyadong magiging problema.