LEGAZPI CITY – Pinag-iisipan na umano ng 2019 Bar Examinations topnotcher mula sa Bicol ang pamamaraan sa pag-“give back” sa mga kababayan matapos ang nakamit na tagumpay.
Nasungkit ng 25-anyos na si Mae Diane Azores, graduate ng UST Legazpi at tubong Brgy. Bonga, Legazpi City ang pinakamataas na pwesto sa Bar exams sa 91.049% na rating.
Sinabi ni Azores sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, gusto niyang pagtuunan ng pansin ang labor practice dahil nakikita ang hirap ng mga trabahante lalo na ang mga contractual employees.
Pinagsama-samang pressure, sakit ng tiyan at tatlong exam Sundays na walang tulog ang nagpahirap kay Azores sa exams subalit humugot ng lakas sa pamilya at nobyo na naniwalang kayang mag-Top sa exams.
Payo pa nito sa mga law students na huwag basta-bastang susuko sa anumang hamon.
Proud naman ang kapatid nitong professor, inang nagtatrabaho sa clinic at amang si Diosdado na isang jeepney operator sa naabot ni Azores .