KALIBO, Aklan – Pinag-aaralan na ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan, na ibalik ang “LaBoracay” na dinadayo ng libu-libong turista partikular ang mga local tourist para sa magdamag na party sa front beach.
Kasunod ito ng pagbaba sa halos 50% tourist arrival sa Boracay dahil sa nagpapatuloy na banta ng Coronavirus Disease (COVID)-19 na nagtulak sa mga negosyanteng Chinese na isara ang kanilang negosyo.
Ayon kay Malay Mayor Frolibar Bautista, layunin nitong makaalalay ang lokal na turista matapos na lubusang bumagsak ang bilang ng mga dayuhang turista lalo na ang mga Chinese.
Nangangamba pa sila sakaling ipairal ng gobyerno ang travel ban hindi lamang sa North Gyeongsang, kundi maging sa iba pang probinsya sa South Korea dahil kapag mangyari ito, tuluyang mauubos ang mga turista ang isla.
Ang Laboracay ay ang weeklong celebration na nagsisimula tuwing Abril 26 hanggang Mayo 1 o Labor Day holiday sa bansa.
Ngunit, matatandaang ipinagbawal ito ng Boracay Inter-Agency Rehabilitation Management Group dahil sa tambak-tambak na basura na iniiwan ng mga partygoers.