Ibinabala ng non-profit environmental health and justice organization na EcoWaste Coalition ang 3 Labubu tumblers na naglalaman ng mataas na amount ng lead.
Iniulat ng grupo na ang tumblers ay bahagi ng 6 na hindi opisyal na Labubu merchandise items na ibinibenta sa halagang P275 bawat isa.
Na-detect aniya ang mahigit 1000 parts per million (ppm) ng lead sa naturang mga tumbler na kulay pink, red at yellow sa pamamagitan ng X-ray fluorescence analyzer. Lagpas ito sa lead limit para sa paint na 90 parts per million (ppm).
Ayon sa grupo, ang pagkakalantad sa lead kahit sa mababang doses ay mapanganib sa kalusugan.
Base naman sa World Health Organization, ang mga bata ang partikular na vulnerable sa toxic effects ng lead at maaaring dumanas ng permanent adverse health impacts partikular na sa development ng central nervous system.
Nagdudulot din ng pangmatagalang panganib sa adults ang lead, kabilang na ang mataas na banta ng high blood pressure, cardiovascular problems at pagkasira ng kidney. Nakakaapekto din ang lead exposure sa mga buntis na nakakapagpababa ng paglaki ng fetus at maagang panganganak.
Kaugnay nito pinapayuhan ang mga konsyumer na igiit ang kanilang karapatan para sa product labeling information at karapatan para sa dekalidad at hindi mapanganib na mga produkto.