Posibleng maging malaking hamon sa team Japan ang kakulangan nila ng matatangkad na players sa pagsabak sa FIBA Basketball World Cup 2023.
Mahaharap kasi ang nasabing team sa mga kalabang team na may matatangkad na players, katulad ng Australia, Germany, at Finland.
Batay sa inisyal na team ng Japan, ang pinakamatangkad sa kanila ay ang player na si Joshua Hawkinson na may taas na 6’10 habang ang pinakamaliit ay si Yuki Togashi na may taas na 167cm o 5’6.
Bagaman, makakatulong ng malaki ang presensya ng NBA player na si Yuta Watanabe, posible umanong pahihirapan ng mga nakahanay nilang kalaban ang Japanese team.
Ayon sa mga basketball experts, magandang oportunidad para sa mga players kung magawa nilang idikta ang mabilis na transition ng laro, na maaaring magiging bentahe ng nasabing koponan.
Malaki rin ang magiging ambag ng kanilang opensa laban sa mga matatangkad na players ng mga nakahanay na bansa.
Magsisilbing co-host ang Japan sa FIBA 2023. Bagaman magiging bentahe nila ang homecourt, kakailanganin ng Akatsuki Japan na protektahan ito laban sa tatlong malalakas na koponan: ang Australia, Germany, at Finland.