-- Advertisements --
Fredinil Castro
Fredinil Castro

Hinamon ni Capiz Rep. Fredinil Castro si Sen. Panfilo Lacson na pangalanan ang kongresistang nagsabi na may nakatagong pork barrel sa ilalim ng P4.1-trillion proposed 2020 national budget.

Ginawa na aniya ni Lacson ang paratang na ito noong tinalakay ng Kamara noon ang 2019 national budget, kaya marapat lamang ayon kay Castro na sa pagkakataon na ito ay pangalanan na rin ng senador ang sinasabing kongresistang source nito sa nasabing alegasyon.

“Now I think for us to know the truth, and for us to know who they are, whether or not they are competent to accuse the House of Representatives, or whether they tell the truth or simply misleading our good friend Sen. Lacson, I think this is the time that they present who this congressman or congressmen are,” ani Castro.

Iginiit ng kongresista na moral at legal obligation ni Lacson bilang senador na tukuyin ang kanyang source na nagsabing may nakakubling pork barrel sa inaprubahang bersyon ng Kamara ng 2020 General Appropriations Bill (GAB).

Pinayuhan ni Castro si Lacson na bago magdaldal sa media, dapat aniya tiyakin nito na verified ang impormasyon na hawa nito upang hindi naman masira aniya ang reputasyon ng Kamara.

“Only Lacson can stop himself by coming to his senses that by coming out with unverified information, especially even before the transmittal of the GAB approved by the HoR to the Senate, he should stop giving opinion,” giit ni Castro.

Obligasyon aniya ng senador sa taumbayan na isarili na lamang muna ang mga opinyon nito hinggil sa budget hanggang sa matapos ang paghimay dito ng Senado.

Gayunman, iginiit ng kongresista na nakahanda ang Kamara sa malalimang pagbusisi ng Senado sa ipinasa nilang budget.