Nanindigan si Sen. Panfilo Lacson na posibleng mayroon umanong kurapsyon sa pagbili ng gobyerno ng COVID-19 vaccine mula sa Chinese pharmaceutical firm na Sinovac.
Giit ni Lacson, mayroon daw kasing malaking pagkakaiba sa presyo ng naturang bakuna sa Pilipinas at ng ibang mga bansa.
Paglalahad ng senador, bagama’t aabot lamang sa $5 o katumbas ng P240 ang presyo ng kada dose ng Sinovac sa ibang bansa, pumapalo naman daw ito ng $38 o mahigit P1,800 dito sa Pilipinas.
Binanggit din ni Lacson ang isang news article mula sa Bangkok Post na may petsang Enero 16 kung saan makikita na papatak lamang ng $5 ang presyo ng isang dose ng Sinovac, batay na rin sa World Health Organization at mismong sa mga manufacturers.
Gayunman, sa datos mula sa Department of Health na iprinisinta sa Senate Committee on Finance noong nakalipas na taon, nakasaad na nasa P3,629.50 ang presyo ng dalawang doses ng Sinovac.
Kaugnay nito, iginiit naman ni presidential spokesperson Harry Roque na naglalaro lamang sa P650 per dosage ang presyo ng Sinovac sa Pilipinas, kagaya ng presyuhan sa ibang mga bansa.
Pero ayon kay Roque, hindi pa raw maaaring isapubliko ang totoong presyo ng naturang bakuna.