-- Advertisements --

Itutulak ni Sen. Panfilo Lacson ang pagtapyas ng umano’y mga iligal na pondo na nakasingit sa proposed 2021 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa isang pahayag, sinabi ni Lacson na ito raw ay kung walang malaking adjustment na gagawin sa bersyon ng budget na ipapasa ng Kamara at ita-transmit sa Senado kalaunan.

Ayon pa kay Lacson, dapat ay nakadetalye lamang sa isinumiteng addendum ng DPWH ang mga lump sum na pinuna sa national expenditure program (NEP) at hindi baguhin ang kanilang orihinal na budget request.

Giit ng senador, tanging ang Kongreso lamang ang may kapangyarihan para amyendahan ang budget proposal.

“If no substantial adjustments are made once the final version of the 2021 GAB (general appropriations bill) is transmitted to the Senate by next week as promised by the new Speaker, I intend to propose during our plenary debates to cut or realign the excessive and unjustified ‘NEP amendments’ that the DPWH illegally made,” giit ni Lacson.

Samantala, iniyahag ni Lacson na napapanahon daw ang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa umano’y katiwalian sa DPWH.

“Dito sa DPWH malakas ‘yan diyan. Projects, ‘yung project engineers, iyan, iyan lahat, road right-of-way, grabe ang corruption diyan. Walang construction na uumpisa dito na walang transaction. Mayroon ‘yan,” wika ni Duterte.

“Ang mga project ng DPWH mayroon talaga ‘yan para sa give. Hindi ko — hindi ko alam kung sino. There are so many officials lined up in the bureaucratic maze so hindi ko alam kung sino diyan,” dagdag nito.

Ani Lacson, “open secret” na raw ang paghingi ng ilang mambabatas at opisyal ng DPWH ng komisyon o kickbacks sa implementasyon ng mga proyekto ng kagawaran.

Aniya, nagbigay na raw ng palayaw ang mga contractors sa mga tiwaling opisyal na nakadepende sa hinihingi nilang komisyon.

“Officials from the executive and legislative branches who ask for ‘only’ 10 percent are ‘mabait, maginoong kausap’ and those who demand 20 to 30 percent are ‘matakaw,'” ani Lacson, “While those who demand advance payments and renege on their word as ‘balasubas’ and ‘mandurugas.'”