-- Advertisements --

Hinimok ni Sen. Panfilo Lacson ang pamahalaan na ituloy ang localized peace talks sa mga miyembro ng New People’s Army (NPA).

Kasunod ito ng mga ulat na mayroon umanong dalawang lider ng mga komunistang rebelde, na napatay sa Quezon City, ang sinasabing bahagi ng isang team na inatasan upang patayin si Pangulong Rodrigo Duterte.

“Huwag na makipagusap sa The Netherlands kasi, after all, ang nakaraan na situation may peace talks sa national level pero hindi sinusunod ng New People’s Army (NPA) sa local ang usapan,” wika ni Lacson sa isang panayam.

“So suggest namin at para na rin maging mas practical, gawing localized ang peace talks […] Pero ang localized peace talks will be more effective than the national level of peace talks,” dagdag nito.

Iginiit din ng mambabatas na hindi naman daw lahat ng bayan sa bansa ay may problema sa mga rebelde.

“So at least ma-isolate ngayon at ipaubaya sa local government officials, of course under the direction ng [Office of the Presidential Adviser on the Peace Process] ni Gen. [Carlito] Galvez, siya kumakatawan ngayon doon. Bigyan ng guidelines at suporta,” ani Lacson.

Ayon pa kay Lacson, ang mga hakbang upang patayin ang Pangulo sa kabila ng pagpapatuloy muli ng usapang pangkapayapaan ay patunay na hindi sinsero ang mga komunista.

Nitong Disyembre 5 nang ipag-utos ni Pangulong Duterte kay Labor Sec. Silvestre Bello III patungong The Netherlands upang makipag-usap kay Jose Maria Sison.

Bagama’t una nang tumanggi si Sison sa posibilidad na dito gawin sa bansa ang mga negosasyon, sinabi ni Bello na payag da ang mga pinuno ng National Democratic Front of the Philippines sa 90% sa mga kondisyon ng Punong Ehekutibo.

“Kung ngayon na-analyze at na-validate ang intelligence report, bago siguro usapang peace talks, nariyan na yan. Talagang meron nang threat na ganyan,” anang senador.

“Ang tanong, hinold ba nila yan nang nagbukas uli ang pamahalaan para sa peace talks or tuloy-tuloy pa rin ang effort? Kung lumabas na tuloy pa rin ang effort, hindi talaga sinsero sa pakikipag-usap.”