-- Advertisements --

Nanawagan ang mga kongresista kay Sen. Panfilo Lacson na mag-sorry sa buong Kamara at matapos silang akusahang tatanggap ng tig-P1.5 billion ang bawat Deputy Speakers sa ilalim ng panukalang 2020 national budget.

Sa kanyang privilege speech sa plenaryo nitong araw, tinawag ni Deputy Speaker – Capiz Rep. Fredenil Castro na immature, iresponsable, at isip-bata si Lacson dahil sa alegasyon nito na nakakasira aniya sa reputasyon ng Kamara.

Kapuna-puna umano ang ginawa ng senador dahil tila nakaugalian na nito na akusahan ang Kamara ng pagkubli ng pork barrel kahit pa walang basehan katulad ng ginawa sa 2019 national budget.

“They had all the opportunity in the Senate to examine the budget but never have they come out or never did Sen. Lacson presented an item that can be considered pork,” ani Castro.

Para sa kongresista, dapat kinonsulta muna ni Lacson ang mga dating kasamahan nito sa Senado na sina House Speaker Alan Peter Cayetano at Deputy Speaker Loren Legarda para makumpirma ang ulat.

Binuweltahan din ni Castro ang pagbawi ni Lacson sa kanyang alegasyon at iginiit na itoy mababang uri ng palusot para takasan ang pananagutan nito.