Kinokonsidera ni Senate Committee on National Defense Chairperson Senator Panfilo “Ping” Lacson ang panukalang gawing labag sa batas ang red-tagging.
Matapos ang tatlong pagdinig na ginawa ng komite ni Lacson tungkol sa nasabing isyu, sinabi nito na pinag-iisipan na niya ang pagbuo ng panukalang batas sa pag-criminalize ng red-tagging na hindi naman makakaapekto sa freedom of speech at expression na itinatakda ng ating konstitusyon.
Samantala, sinabi naman ni Bayan Muna Representative Carlos Zarate na nagiging venue na umano ng “witch hunting” ang ginawang pagdinig ng Senate National Defense Committee.
Aniya, hindi dapat nagtuturo ng “scapegoat” o masisisi ang Makabayan bloc congressmen para sa kabiguan nilang sagutin ang mga alegasyon ng mga dating rebeldeng New People’s Army (NPA).
Giniit naman ni Lacson na ikakalap ng kaniyang komite ang mga testimonya at dokumentong i-presinta ng magkabilang panig para makabuo ng conclusion at rekomendasyon sa kanilang committee report.