-- Advertisements --
PING LACSON 1

Nakahinga nang maluwag si Sen. Panfilo “Ping” Lacson matapos na bawiin at humingi ng paumanhin ang Philippine Daily Inquirer (PDI) na inilabas na maling balita, may 20 taon na ang nakakalipas.

Ayon kay Lacson, dahil sa ginawang pagtutuwid ng Inquirer, kaniya na itong pinatatawad.

Nagpasalamat ang senador dahil sa ginawang pagtatama ng news agency ay nabalik na ang kanyang nawalang dignidad at karangalan bilang isang lingkod-bayan.

“Time heals, forgives. Thank you, Philippine Daily Inquirer for your humility and courage to admit I am not the person you said I was. Getting back my honor and dignity matters a lot to me. It is with equal humility that I accept your apology,” ani Lacson sa isang statement.

Kabilang sa mga inihingi ng paumanhin at tawad ng Philippine Daily Inquirer kay Lacson ang mga inilathala ng dating kolumnistang si Ramon Tulfo sa kaniyang column.

Ibinase ni Tulfo ang akusasyon na ito sa umano’y testimonya ng isang Francisco “Kit” Mateo na kalaunan, bago mamatay dahil sa colon cancer noong 2001 ay binawi ang mga naturang salaysay.

Naglabas din ang pahayagan ng balita noong 2001 na pinamagatang “Ping has $211M in the US,” base sa “intelligence report” na isinumite ng dating Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) chief Col. Victor Corpus.

Noong 2017, humingi ng patawad si Corpus kay Lacson at binawi ang mga nauna niyang pahayag laban sa mambabatas at isiniwalat na tanging batayan ng kanyang intelligence report laban dito ay ang mga kuwento ni Angelo “Ador” Mawanay na napatunayang nagsinungaling lamang sa mga pinagsasabi.