Binuweltahan ni Sen. Panfilo Lacson si Capiz Rep. Fredenil “Fred” Castro sa hirit nitong humingi ng tawad ang senador sa akusasyon nito na nagtatangka ang mga miyembro ng lower House na magpalusot ng pork barrel.
Ayon kay Lacson, si Castro ang dapat humingi ng tawad sa mga nagbayad ng buwis na naabuso sa paraang ginagawa ng Kongreso.
Giit ni Lacson, hindi siya matitinag sa pagbabantay laban sa pork barrel na isinisiksik sa pambansang pondo.
“He is the one who should apologize to the Filipino people for abusing their hard-earned tax money in all the years that he is in Congress. His whining and howling will not deter my vigilance in performing my mandate of scrutinizing the budget measure,” pahayag ni Lacson.
Hindi rin daw siya nag-aalala sa pagharang sa mga abusado sa budget dahil matagal na siyang mag-isa sa gawaing ito.
“Sanay na akong mag-isa sa laban na ito. Kahit pagtulungan pa ako, hindi ako titigil sa mandato kong busisiin ang National Budget. Sa mga kongresistang matagal nang nakinabang at patuloy pang inaabuso ang kaban ng bayan, kayo dapat ang humingi ng tawad sa mga Pilipino,” wika pa ng senador.
Nagpapasalamat na lang umano siya na may iba ring mambabatas sa Senado na nakikiisa na sa kaniyang adbokasiya laban sa pork barrel.