-- Advertisements --

Nais ungkatin ni Sen. Panfilo Lacson ang ilang isyu sa P4.1 trillion 2020 national budget sa pagbabalik nila sa debate, matapos masilip ang napakalaking alokasyon sa national greening program, ngunit wala namang nakikitang malinaw na programa.

Sinabi ni Lacson na aabot sa P2 billion hanggang P4 billion ang inilalaan dito ng gobyerno sa mga nakalipas na taon.

Puna ng senador, mga social clubs at iba pang grupo ang aktibong nagtatanim ng mga punong kahoy at hindi naman ang gobyerno.

Kaya kung mabibigo aniya ang mga ahensya na maidepensa ito, baka tuluyan na lang tanggalin.

“Itatanong ko sa Martes… national greening program, napakalaki. Ito ang puno, bakit wala tayong nakikitang puno, taon-taon P2B, minsan umabot ng P4B? Saan tinatanim yan? Nagtatanim mga social clubs mga Rotary. Sa DBCC tanong ko SBM Avisado. Baka pwede ito tigilan ang NGP kasi wala tayong nakikitang program. Agreeable siya, that’s another P2B na pwede alisin,” wika ni Lacson.

Maliban dito, may ilan pang alokasyon ang nais bigyang pansin ni Lacson, lalo na ang mga bulto ng alokasyon na isinusulong ng ilang miyembro ng Kongreso.

Nanindigan naman ang mambabatas na dapat hayaan ang media na i-cover ang takbo ng paghimay sa pambansang pondo, sa kabila ng pagtutol dahil baka maging mala-circus na naman ang debate sa annual budget.

Tiniyak ni Senate committee on finance chairman Sen. Sonny Angara na on track pa rin sila sa 2020 budget at maihahatid ito sa mesa ng Pangulong Rodrigo Duterte para lagdaan sa kalagitnaan ng Disyembre 2019.