Kung si Sen. Panfilo Lacson daw ang tatanungin, maganda ang performance na ipinapakita ni Vice Pres. Leni Robredo sa kanyang unang mga linggo bilang drug czar.
Ito ay sa kabila ng mga kritisismong natatanggap nito dahil sa pakikipag-pulong sa iba’t-ibang ahensya at grupo.
“Right now, sa tingin ko ha, mukhang tama yung direksyon niya eh. Kasi sinimulan niya ng pakikipagkonsulta doon sa mga dapat konsultahin, excluding myself ha. I’m not saying that because she consulted me,” ani Lacson.
“Pero yung consultation with US DEA (drug enforcement agency), consultation with other groups at saka mineet niya kaagad yung ICAD members, consultation din ‘yun e. Kaya so far, tama naman siguro yung ginagawa niya,” dagdag ng senador.
Nitong araw nang daluhan nina Robredo at ICAD chairman Aaron Aquino ang anibersaryo ng Bahay Pagbabago drug reformation center sa Dinalupihan, Bataan na siyang saksi sa pagbabago ng halos 1,000 drug dependents sa naturang bayan at mga kalapit na lugar.
Isa lang ito sa halos 100 community based-reformation center na isinulong noon ni Aquino bilang regional director ng PNP region 3.
Lumabas sa pag-aaral ng Bataan State University na pinaka-malaking bilang sa drug surrenderers ng kanilang lalawigan ay nasa pagitan ng edad 27 hanggang 35.
“Dahil droga iyong ating kalaban, laban natin ito lahat. Hindi ito laban noong nagkamali, hindi laban ng pamilya niya lang, pero laban nating lahat,” ani Robredo.
“At ngayong umaga, pinakita niyo po lahat na kinikilala niyo iyon—na laban natin ito lahat. Kaya napakaganda ng programa niyo dito dahil nagtulong-tulong lahat.”
Nababahala lang daw ngayon ang senador sa posibilidad na maging formula para mabigo si Robredo bilang drug czar sa pagbanggit ng presidente na wala siyang tiwala rito.
“Guaranteed formula for failure kasi basic yan sa leadership. Ito yung napagaralan namin. Responsibility without authority or commensurate authority, ano yun, formula for failure yun,” ani Lacson.