CENTRAL MINDANAO- Pinatunayan ng isang grupo ng mga riders sa unang distrito ng Cotabato na may magandang hangarin din ang kanilang grupo hindi lamang sa pag-joyride kundi sa pagsasagawa na din ng outreach programs.
Isinagawa ng Lady Riders Club PPALMA ang kanilang 1st Charity Ride Outreach Program sa Aleosan, Cotabato.
Ayon kay Fritzie Gucon-Flores, Tail Marshall ng nabanggit na grupo, layon nito na makatulong sa mga mapipiling benepisyaryo upang matugunan ang kanilang pangangailangan sa pang-araw-araw
Ani Flores, nasa 100 benepisyaryo mula sa Brgy. Palacat ng nabanggit na bayan ang nakatanggap ng ayuda tulad ng groceries, bigas at used clothings.
Maliban rito, nagsagawa naman ng info-drive ang Aleosan Municipal Police Station sa mga benepisyaryo tungkol sa minimum health standard protocols na ipinapatupad sa bayan at sa Executive Order No. 70 o ang End Local Communist Armed Conflict program ng pamahalaan.
Nagpapasalamat naman ang Lady Riders Club PPALMA sa mga naging katuwang nito upang maisakatuparan ang outreach program kabilang ang PNP-Aleosan, Barangay Local Government Unit (BLGU) ng Brgy. Palacat at kay dating Board Member Rolly Ur da Man Sacdalan.
Laking tuwa naman ng mga benepisyaro nito na sila ang napili ng naturang grupo kung saan napapanahon umano ang kanilang pagtulong dahil sa labis naapektuhan ang kanilang pang-araw-araw na kabuhayan dulot ng pandemiyang COVID-19.
Siniguro naman ng Lady Riders Club PPALMA na magpapatuloy ito sa pagsasagawa ng kaparehong programa sa iba pang mga barangay sa 1st district ng Cotabato.