Kinondena ni House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin ang pagtuligsa ni Vice President Sara Duterte sa mga pulis na nais umaresto sa wanted na si Pastor Apollo Quiboloy na nahaharap sa kasong child abuse, sexual abuse, at qualified human trafficking.
Ayon kay Garin ang pagtuligsa ni VP Duterte ay mistulang pagdepensa umano kay Quiboloy at pagharang na maipatupad ang hustisya.
Iginiit ni Garin na ang mga kasong kinakaharap ni Quiboloy ay seryoso at suportado ng ebidensya kaya naglabas ng warrant of arrest ang korte.
Bukod sa Pilipinas si Quiboloy ay kinasuhan din sa Estados Unidos.
Kinondena rin ng mambabatas ang tangka ni VP Duterte na alisin ang atensyon ng publiko sa totoong isyu.
Binigyan-diin ni Garin na dapat maging responsable ang mga lider ng bansa sa publiko at managot sa mga maling ginagawa ng mga ito.
Sinabi ni Garin na mahalaga na nagsasama-sama ang mga Pilipino sa pagtayo para sa hustisya at pagbibigay ng proteksyon sa mga bata.
Nanawagan din si Garin sa bawat isa na igiit ang pangangailangan na mapanagot ang may sala at mabigyan ng hustisya ang mga biktima.