-- Advertisements --

Kumbinsido ang isang kongresista na pagtatakpan ng dating driver-bodyguard na si Sanson Buenaventura ang kanyang dating amo na si dating Pangulong Rodrigo Duterte upang maprotektahan ito.

Para kay House Assistant Majority Leader at Nueva Ecija Rep. Mikaela “Mika” Suansing kuwestyunable ang kredibilidad at ang pagiging tapat ni Buenaventura.

Humarap si Buenaventura sa pinakahuling pagdinig ng House Quad Committee kaugnay ng extrajudicial killing partikular ang Davao Death Squad, ang grupo na sinasabing nasa likod ng mga pagpatay sa mga suspek sa Davao City noong pinamumunuan pa ito ni Duterte.

Matapos ang ilang tanong, nakumbinsi si Suansing na kaduda-duda ang magiging testimonya ni Buenaventura dahil sa malapit ito kay Duterte.

“Mr. Chair, mas nakikita ko po na nagsisinungaling si Mr. Sonny Buenaventura,” sabi ni Suansing.

Sumentro ang pagtatanong ni Suansing kay Buenaventura sa mga salitang ginagamit ng DDS.

Tinanong ni Suansing kung ano ang ibig sabihin ng salitang “labyog” na patungkol sa pagtatapon o pagdispatsa ng bangkay.

Ayon kay Buenaventura ang labyog ay salita na ang ibig sabihin ay “tapon.”

Hindi naman nakontento si Suansing sa isinagot ni Buenaventura. ““Kasi po, ayon po sa aming sources, ang labyog po ay to kill or dump a dead body ng isang biktima,” sabi ng lady solon.

Nagtanong din ang mambabatas kay Buenaventura kaugnay ng Laud Quarry na sinasabing isa sa mga tapunan ng patay ng DDS.

Ayon kay Buenaventura ang lugar ay isang firing range at nakapunta na umano siya rito pero hindi umano niya alam ang quarry.

Nagtanong din si Suansing kaugnay ng pera ni Buenaventura sa bangko at hinimok ito na pumirma ng waiver para sa bank secrecy rights nito kung wala naman siyang itinatago.

“Kung wala po kayong tinatago, willing po ba kayong i-waive ang bank secrecy para po sa inyong mga bank accounts?” tanong ng mambabatas.

Tumanggi si Buenaventura at sinabi na “P4,000 plus lang ‘yun, Your Honor.” Ginagamit lamang umano niya ang kanyang bank account para sa kanyang pamilya.

Si Buenaventura ay sangkot umano sa operasyon ng DDS at inilarawan ng self-confessed DDS hitman na si Arturo Lascañas na mahalaga sa operasyon ng grupo.

Ipinunto ni Suansing ang sinabi ni Lascañas na si Buenaventura ang namamahala sa logistics ng DDS.

“Mr. Chair, it’s the word of Mr. Sonny Buenaventura against the affidavit of Mr. Lascañas,” ani Suansing.

Sinabi ni Suansing na mababanaag sa mga sagot ni Buenaventura na loyal ito kay Duterte at gagawa ito ng mga hakbang upang hindi mapahamak ang dating Pangulo.

Nang tanungin tungkol kina Sammy Uy at Michael Yang, sinabi ni Buenaventura na limitado lamang ang kanilang pagkikita.

Duda naman dito si Suansing dahil nasa 20 taon itong naging bodyguard-driver ni Duterte noong ito ang alkalde ng Davao City.

Inamin naman ni Buenaventura na “Superman” ang code ni Duterte sa kanilang radyo.

Ang codename na Superman ay nauna ng sinabi ni Lascañas na ginagamit ng mga miyembro ng DDS para kay Duterte.

Ipagpapatuloy ng komite ang pagdinig nito kaugnay ng DDS at extrajudicial killings sa pagpapatupad ng war on drugs campaign ni Duterte sa susunod na linggo.