-- Advertisements --

Isinusulong ng isang mambabatas na paimbestigahan sa Kamara ang paraan ng pagpapautang ng Landbank of the Philippines (LBP).

Nanawagan din si House Committee on Appropriations Vice Chairperson at Marikina Rep. Stella Luz Quimbo ng transparency sa Landbank hinggil sa pautang.

Napuna ni Quimbo na tila paglayo ng LandBank mula sa orihinal nitong mandato.

Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Quimbo na 61.38% o higit P694 billion ng pautang ng Landbank ay sa malalaking korporasyon, habang nasa 0.09% lamang o P1.07 billion ang pautang para sa mga magsasaka.

Mas maliit din aniya ang pautang para sa mga kooperatiba at maliliit na negosyo.

Paalala ng mambabatas, ang Landbank ay binuo para pagsilbihan ang “marginalized sector” gaya ng mga magsasaka, mangingisda at maliliit na negosyante.

Pero lumalabas na mas pinapaburan ng bangko ang malalaking negosyo.

Ilang beses na aniya siyang humiling ng mga impormasyon sa Landbank ukol sa mga pautang, ngunit tumatanggi umano ang bangko na magbigay.

Dahil dito, sinabi ni Quimbo kailangang maimbestigahan ng Kamara partikular ng House Committee on Public Accounts ang usapin, para matiyak kung nagagampanan pa ba ng bangko ang mandato nito o nadedehado na ang publiko sa mga ipinatutupad na proseso ng bangko.

Sabi ng Kongresista karapatan ng taong bayan na malaman kung paano nagagastos ang pera.

Aniya dapat din mabatid kung nasunod ang proseso at kung bakit itinatago sa publiko ang mga dapat nitong malaman.

“It is the right of the people to know how their money is being spent. The lack of transparency in LandBank’s dealings with LGUs is a violation of the people’s right to information. We need a full inquiry into how these loans are contracted and utilized,” pahayag ni Quimbo.