Nadiskubre ng National Bureau of Investigation na hindi nagtutugma ang naging pirma ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa kanyang inihaing counter affidavit at sa lagda nito sa attendance sheet ng senado kung saan dumalo ito sa pagdinig.
Ayon sa NBI, batay sa kanilang isinagawang scientific comparative na pagsusuri, lumalabas na hindi ito pirma ng isa at parehong tao.
Kinumpirma ito ni NBI Director Jaime Santiago sa pamamagitan ng liham kay Senator Risa Hontivero na siyang tumatayong chair ng senate panel .
Iniimbestigahan kasi ng lupon ang umano’y pagkakasangkot ni Guo sa ilegal na operasyon ng POGO hub na sinalakay sa kanyang bayan at maging ng iba pang POGO sa bansa.
Ang naturang resulta ng analysis sa pirma ni Guo ay alinsunod sa kautusan ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.
Una nang sinabi ni Alice na pinirmahan niya ang huling pahina ng dokumento na notaryado ni Atty. Elmer Galicia bago siya tuluyang tumakas ng bansa noong buwan ng Hulyo.
Tumanggi rin itong idetalye ang nilalaman ng kanyang counter affidavit.