-- Advertisements --

Dismayado si Albay 1st District Rep. Edcel Lagman at hindi na itinuloy ang kanyang pagtatanong para sa panukalang 2024 budget ng Office of the President sa deliberasyon sa plenaryo ng House of Representatives kaninang umaga.

Tinanong kasi ni Lagman ang pagpapasa ng pondo ng OP sa Office of the Vice President noong 2022.

Nagsimula ang interpelasyon ng kongresista kung may savings ba ang opisina ng Pangulo sa contingent fund nito noong 2021 at 2022.

Bagay na sinagot naman ni Tulfo at sinabing walang savings ang OP noong 2021 at mayroon noong 2022 na aabot sa P53 Million.

Matapos nito inungkat na nga Lagman ang inilipat na pondo ng OP sa OVP noong nakaraang taon.

Kinumpirma naman ito ni Tulfo at mula aniya sa P250 Million request ng OVP nasa P125 million lamang ang naaprubahan.

Kaya hiling ni Lagman na ipasa ang kopya ng naturang request kahit sa email ng Office of the Majority Leader bago matapos ang deliberasyon at pag-apruba sa panukalang pondo ng OP.

Tugon naman ni Tulfo nasa DBM ang kopya nito at agad nilang ipapasa ngayong araw.

Sa nasabing talakayan naungkat kung saan nagmula ang ibinigay ng pondo sa OVP kung ito ay mula sa savings.

Sagot ni Tulfo ito ay nanggaling sa contingent fund o special purpose fund.

Giit ni Lagman ang augmentation ng anumang item sa appropriations ay dapat magmula sa savings at tanging appropriated amounts na may kakulangan ang pwedeng i-augment batay sa probisyon ng General Appropriation Act noong 2022.