LEGAZPI CITY – Nilinaw ng isang kongresista sa Albay na hindi ito kailanman nakaranas na bigyan ng pera upang bilhin ang kanyang boto ng mga kumakandidato para sa House speakership race.
Ito ay sa gitna ng isyu kaugnay ng nangyayaring vote buying sa Kamara habang nagpapatuloy ang mainit na labanan para sa pagiging speaker ng House of Representatives.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Albay Rep. Edcel Lagman, mula ng maging mambabatas noong 1987 hanggang ngayon ay hindi ito binigyan ng pera ng isang kandidato para sa speaker.
Posible umanong nangyayari ang vote buying sa majority ngunit hindi sa oposisyon kung saan ito kabilang.
Hinamon naman ni Lagman si Davao del Norte 1st District Rep. Pantaleon Alvarez na ilabas ang pangalan ng mga kandidato na bumibili ng boto at ang mga pangalan ng nabigyan ng pera.
Samantala para sa kongresista, dapat ibase ng speaker of the House ang kanyang kandidatura sa mga credentials at hindi umano sa pera.