-- Advertisements --
Photo © Edcel Lagman FB Page

Hinimok ni Albay Rep. Edcel Lagman ang mga miyembro ng Liberal Party (LP) sa Kamara na magkaisa at manindigan para maging genuine opposition at minority bloc.

Ginawa ni Lagman ang pahayag matapos na sampahan ng mga reklamo kabilang na ang sedition laban kina Vice President Leni Robredo, mga obispo at iba pang kritikal sa pamahalaan.

Sa isang statement, sinabi ni Lagman na ang mga LP congressmen ay hindi lamang dapat tunay at responsableng kritiko ng administrasyon kundi tagapagtanggol din ng mga karapatan ng taongbayan.

Ikinokonsidera aniya ni Pangulong Rodrigo Duterte ang LP bilang oposisyon, habang ang publiko naman ay nakikita ang naturang grupo bilang opposition party at ang Otso Diretso naman ang mukha ng oposisyon sa nagdaang halalan.

Dahi dito, hindi dapat lamang aniya tingnan ang LP bilang oposisyon kundi dapat gampanan din ng mga miyembro nito ang kanilang papel bilang political opposition.