ROXAS CITY – Nagpapatuloy ang ginagawang evacuation ng mga residente ilang bayan dito sa Capiz dahil sa malawakang pagbaha sa nasabing lalawigan.
Sa datos ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) halos 40 na lugar ang nakakaeksperyensiya ng pagbaha na nanggaling sa mga bayan ng Dumarao, Dumalag, Cuartero, Maayon, Panit-an, Sigma, Panay at President Roxas.
Mabilis ding umapaw ang tubig baha sa bayan ng President Roxas, partikular sa Sitio Lagubang, sa barangay ng Poblacion, kung saan lampas-tao na ang nasabing baha.
Maraming mga residente ang na-stranded sa kanilang mga kabahayan dahil hindi inakala ang mabilis na pag-apaw ng tubig sa mga ilog.
Ba-se sa report ng 1st Capiz Provincial Mobile Force Company sa mga numero ng nag-evacuate sa nasabing bayan, hindi na madaanan ang mga barangay ng Poblacion, Pantalan, Aranguel at Pondol, at sa ngayon merong 78 indibidwal ang kasalukuyang nasa evauation centers.
Wala namang narekord na nasawi sa nasabing pagbaha.
Matandaang hindi isinailalim sa anumang category ang lalawigan ng Capiz, ngunit dahil sa walang tigil na pagbuhos ng ulan simula noong Sabado ng gabi, sinasabing umapaw ang mga tubig sa kapalayan at ilog na nagdulot ng malawakang pagbaha.