-- Advertisements --

Unti-unti nang humuhupa ang lagpas-taong tubig baha sa Barangay Roxas District, Quezon City.

Matatandaang kagabi ay nakaranas ng matinding buhos ng ulan sa ilang parte ng Metro Manila, dulot ng thunderstorm at ulap na pinaiigting ng low pressure area (LPA) sa Northern Luzon.

Ilang sasakyan at bahay ang nalubog sa baha, kaya marami ang umakyat muna sa mga bubungan.

Nilinaw naman ng PAGASA na wala pang bagyong umiiral sa Pilipinas, ngunit posibleng lumakas ang isang namumuong sama ng panahon.

Huli itong namataan sa layong 580 kilometro sa silangan ng Tuguegarao City, Cagayan.

Inaasahang magiging ganap itong tropical depression sa susunod na mga oras, ngunit hindi tatama ng direkta sa lupa.

Palalakasin nito ang habagat na maaaring magdala ng baha at pagguho ng lupa sa Metro Manila, Central Luzon at ilang lugar sa Visayas.

Sa kabila nito, kapos pa rin ang naitalang antas ng tubig sa La Mesa Dam na pinagkukunan ng tubig para sa buong Metro Manila.