CAGAYAN DE ORO CITY – Magkakaroon na rin sa wakas ng pinakaunang international airport ang mga residente na nakabase sa Hilagang Mindanao dahil sa pagbigay prayoridad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito ay matapos tinugunan ang mga pagsisikap ng mga mambabatas na nakabase sa rehiyon sa pangunguna ni Misamis Oriental District 2 Congressman Bambi Emano na mapalawak ang Laguindingan Airport at gawing international size upang direkta na ang flights ng mga pasahero ng bansang Singapore,Hongkong at ibang Asian countries at vice versa.
Mismo si Department of Transportation Secretary Jaime Bautista ang pinapunta ni Marcos upang isagawa ang public private partnership project ceremonial awarding sa kompanyang Aboitiz Infra Capital Incorporated na nabigyang kontrata magta-trabaho upang ma-upgrade ang paliparan at sila rin ang mamamahala sa loob ng 30 taon.
Sinabi ni Bautista na tiwala ang pamahalaan na maibigay ng kompanyang Aboitiz ang inaasahan na maayos na serbisyo katulad ng ilang pangunahing paliparan na sila ang namamahala sa matagal ng panahon.
Magugunitang mula sa halos dalawang milyong pasahero na dumaan sa nabanggit na paliparan ay inaasahan itong madagdagan mula apat hanggang anim na milyon na kada-taon dahil sa airport upgrade na tiyak magpapalago sa ekonomiya,turismo at trabaho ng mga Mindanao.
Napag-alaman na kabilang rin sa nagsumikap maisakatuparan ang airport upgrade ay si Cagayan de Oro District 2 Congressman Rufus Rodriguez at ibang mga mambabatas na linggu-linggong dumaan kung nasaksihan nila ang pagsiksikan ng mga pasahero dahil sa pagsilbi lang nitong ordinaryong paliparan.