-- Advertisements --
image 189

Itinutulak ni Laguna Cong. Ruth Mariano Hernandez ang pagbibigay ng scholarship sa mga estudyanteng nagnanais kumuha ng kursong Social Work.

Ito ay sa pamamagitan ng kanyang panukalang batas na House Bill 6910.

Batay sa nilalaman ng nasabing panukala, bibigyan ng scholarship o libreng pag-aaral ang mga estudyante na kukuha ng Social Work, mula sa unang taon hanggang sa makatapos ang mga ito.

Ayon sa mambabatas, magiging tugon ito sa kakulangan ng mga social workers sa buong bansa.

Sa kasalukuyan kasi ay umaabot lamang sa 6,796 ang bilang ng mga registered Social Workers sa buong bansa, hanggang nitong Hulyo-31.

Habang batay sa talaan ng Civil Service Commission, may kabuuang 9,541 na bakanteng posisyon para sa mga social workers sa bansa, o kabuuang 2,010 na kakulangan.

Kung maisasabatas, sakop nito ang libreng tuition at iba pang bayarin, allowance para sa mga aklat, uniform, boarding, transportation, at maging ang mga magagastos sa on-the job-training

Maging ang mga magagastos para sa licensure examination at review, license fee, annual medical insurance, at iba pang education-related allowance ay sasagutin din ng pamahalaan, sa ilalim ng nasabing panukala.

Nakapaloob din dito na kapag natapos na sa pag-aaral ang mga estudyante, kailangan muna nilang magtrabaho sa pamahalaan sa loob ng takdang panahon.