-- Advertisements --

Ibinulgar ni Laguna Governor Ramil Hernandez na sa kauna-unahang pagkakataon ay mayroong isang residente sa kanilang lalawigan ang nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Hernandez, ang nasabing pasyente ay nasa pangangalaga na ng mga otoridad makaraang makumpirma ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang mga test results.

Nagboluntaryo lamang daw ito na magpasuri matapos makaranas ng sipon.

Tuloy-tuloy naman ang koordinasyon ng pamahalaang panlungsod ng Santa Rosa at pamahalaang panlalawigan ng Laguna kaugnay sa contact tracing at validation.

“Ganunpaman, gusto ko pong siguraduhin sa bawat isa na ginagampanan po natin ang mga tamang panuntunan sa ganitong sitwasyon,” saad ni Hernandez.

Samantala, sinabi naman ni Santa Rosa Mayor Arlene Arcillas na ibeberipika pa lamang ng kanyang tanggapan kung kabilang ang pasyente sa 111 kaso na inanunsyo ng Department of Health.