-- Advertisements --

Hindi nagustuhan ni House Committee on Public Order and Safety Chairperson at Santa Rosa City Representative Dan Fernandez ang naging hakbang ng lokal na pamahalaan ng Porac, Pampanga laban sa nadiskubreng ilegal na POGO hub kung kayat kaniya itong kinuwestiyon.

Sa pagdinig ng Kamara ngayong araw hinggil sa criminal activities ng mga POGO, ginisa ni Fernandez si Porac Mayor Jaime Capil kung bakit wala itong ginawang aksyon sa kabila ng pagiging ilegal ng Lucky South 99.

Sinabi ni Capil na Enero pa lang ngayong taon ay hindi na siya nagpalabas ng permit sa naturang POGO hub dahil wala itong internet gaming license.

Lumiham din umano siya sa Lucky South 99 upang ipabatid ang mga nilabag nito ngunit walang tugon ang pamunuan.

Dahil dito, inusisa ni Fernandez kung ano ang ginawa ng alkalde gayong simula pa lamang ng taon ay wala nang permit ang POGO at halos anim na buwan pa ang lumipas nang ikasa ang raid. 

Punto ng kongresista, bilang mayor ay ipinasara o na-padlock man lang sana ang establisimiyento lalo’t binalewala ng POGO ang liham mula sa opisinaa ni Capil.

Hindi na ito nasagot ni Capil kaya nagbanta si Fernandez na “under oath” ang mga ito.