MANILA – Nakatulong ang medicinal plant na lagundi sa paggaling ng ilang pasyente na dinapuan ng coronavirus disease (COVID-19).
Ito ang sinabi ng Department of Science and Technology (DOST) matapos ang ilang buwan na pag-aaral nila sa bisa ng lagundi panlaban sa pandemic na sakit.
Mula sa preliminary results ng ginawang clinical trial, lumabas na hindi umusbong sa moderate at severe ang impeksyon ng mga pinag-aralang pasyente.
“There is a significant difference between anosmia score over time via linear regression and Repeated Measures Analysis of Variance (RMANOVA) between lagundi and placebo with lagundi having lower scores — the lower scores means less symptoms and improvement,” ani Science Sec. Fortunato dela Pena.
“There is a significant difference between the total symptom score over time via linear regression and RMANOVA between lagundi and placebo also favoring lagundi.”
Dagdag pa ng kalihim, walang pagkakaiba sa panahon ng paggaling ng mga pasyenteng uminom ng lagundi supplement at binigyan ng placebo.
Wala rin daw naitalang seryosong adverse events ng trial participants matapos ang pag-aaral.
“Analysis for other outcomes- such as RT-PCR and viral load are forthcoming.”
Nasa 278 pasyente mula sa pitong quarantine facilities ang sumali sa pag-aaral. Natapos na raw ng DOST ang screening at recruitment para sa Stage 1 at 2 ng trial.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy daw ang data analysis para sa resulta ng Stage 2 ng pag-aaral.
Bukod sa lagundi, pinag-aaralan din ng Science department ang bisa ng iba pang local medicinal plants tulad ng virgin coconut oil at tawa-tawa.