MANILA – Nakatulong sa pagpapabuti ng kondisyon ng ilang COVID-19 patients ang herbal supplement na lagundi.
Ito ang inamin ng Department of Science and Technology (DOST) matapos ang Stage 1 ng clinical trials sa naturang gamot.
Ayon kay Science Sec. Fortunato de la Peña, ginamit sa pag-aaral ang lagundi formulation ng National Integrated Research Program on Medicinal Plants (NIRPROMP).
“To determine if lagundi can provide symptomatic relief for COVID-19 patients, as well as determine if it can decrease the number of patients who progress from mild disease to moderate or severe disease,” ayon sa kalihim.
Aabot sa 278 participants mula sa pitong quarantine facilities ang naka-enroll sa Stage 1 at 2 ng clinical trials.
“The biggest number of participants are in the PNP quarantine facility in Quezon City.”
Batay sa resulta ng Stage 1 trials, nakatulong sa mga pasyente ang ibinigay na parehong doses ng lagundi formulation.
Ang isa ay 1.2-grams o high dose; at ang 600-miligrams o normal dose, na ibinibigay ng tatlong beses sa isang araw.
“Very few patients experienced mild adverse drug reactions, and no patient became moderate or severe COVID-19 case,” ani Dela Peña.
Ayon sa kalihim, mas naging epektibo ang pagbibigay ng normal dose, nang suriin ang “primary outcome measures and safety” ng Stage 1 trials.
“Hence, the normal dose was used in Stage 2 to compare to the placebo,” dagdag ng DOST chief.
Sa ngayon patuloy ang monitoring ng Philippine Council for Health Research and Development (DOST-PCHRD) sa mga hulling na-enroll na pasyente.
Sa susunod na linggo raw sisimulan ng ahensya ang analysis sa mga datos ng Stage 2 trials.
Ang DOST-PCHRD ang nangangasiwa sa mga clinical trials ng iba’t-ibang gamot at bakuna na pinag-aaralan ngayon laban sa COVID-19.
Bukod sa lagundi, pinag-aaralan din ng ahensya ang bisa ng herbal medicine na tawa-tawa laban sa coronavirus disease.
Ayon kay Dela Peña, lumagda na ng kasunduan ang University of the Philippines Visayas at Corazon Locsin Memorial Hospital sa Bacolod City para masimulan din ang pag-aaral ng tawa-tawa sa COVID-19 patients ng naturang pagamutan.
“Supposedly, yesterday was the first day of giving tawa-tawa to the volunteers.”
Una nang sinabi ni PCHRD executive director Dr. Jaime Montoya, na posibleng sa Hulyo ay matapos na ang pag-aaral sa tawa-tawa bilang “adjunctive treatment” ng mild at moderate cases ng COVID-19.