Hindi pa nagsusumite ng kanilang rekomendasyon ang Board of Generals (BOG) na listahan ng mga pangalan ng mga heneral na kanilang irerekomenda bilang kapalit ni AFP chief Gen. Rey Leonardo Guerrero na magreretiro na sa serbisyo sa susunod na buwan.
Si Guerrero ay nakatakda sanang mag-retire sa serbisyo noon pang Dec. 17, 2017 pero pinalawig ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang termino hanggang April 24.
Ayon kay Defense Sec. Delfin Lorenzana, lahat ng mga three-star generals ay kandidato para sa puwesto ng chief of staff.
Kabilang sa mga matunog na hahalili kay Guerrero ay sina Eastern Mindanao Command chief Lt. Gen. Benjamin Madrigal, Western Mindanao Command chief Lt. Gen. Carlito Galvez at Philippine Army chief Lt Gen. Rolando Joselito Bautista na siyang dating Presidential Security Group commander ng pangulo.
Ipinauubaya na rin ng kalihim sa BOG kung sino ang kanilang irerekomenda na mga heneral sa tungkulin, at ang listahan ay kaniyang isusumite sa presidente.
“My preference is irrelevant because it will be the President who will choose. Besides, all of the 3-stars are all qualified, I know them all and I am sure whoever will be chosen will do a good job,” wika ni Lorenzana.