-- Advertisements --

Nakaalerto na ang lahat ng 50 estado ng Amerika at ang District of Columbia (DC) para sa posibleng marahas na mga protesta ngayong weekend, bago ang nakatakdang inagurasyon ni President-elect Joe Biden sa Huwebes (Manila time).

Una nang nagbabala ang FBI na maaaring magkaroon ng mga bayolenteng kilos-protesta na pangungunahan ng mga tagasuporta ni outgoing US President Donald Trump sa lahat ng 50 state capitols.

Dahil dito, ang mga gobernador ng Maryland, New Mexico at Utah ay nagdeklara na ng state of emergency sa kani-kanilang mga estado.

Pinakilos na rin ng California, Pennsylvania, Michigan, Virginia, Washington at Wisconsin ang kanilang mga National Guards.

Nagpadala na rin ang lahat ng mga estado ng mga National Guard troops sa Washington DC upang hindi na maulit ang nangyaring riot kamakailan sa US Capitol.

Kinandado na rin muna ang National Mall sa DC, at inilatag na ang mga barikada sa mga kalsada sa kabisera ng bansa sa gitna ng napakahigpit na seguridad.

Habang ang Texas naman ay isasara muna ang kanilang state capitol hanggang sa matapos ang inauguration day.

Ayon sa pinuno ng Texas Department of Public Safety, batay sa nakalap nilang intelligence ay may mga “violent extremists” na nagbabalak umanong mang-infiltrate ng mga protesta para magsagawa ng mga “criminal acts.”

Una nang hinimok ng kampo ni Biden ang mga Amerikano na iwasan munang magtungo sa US capital dahil sa COVID-19 pandemic. (BBC)