Nailigtas na ang lahat ng limang aircrew ng isang helicopter ng US Navy na bumagsak sa bahagi ng Philippine Sea nitong Sabado.
Sa pahayag ng US Navy, dinala na raw ng isang Japanese chopper ang tatlo sa crew ng MH-60S helicopter patungo sa Naval Hospital Okinawa upang sumailalim sa evaluation.
Habang ang dalawa naman ay inihatid ng isa sa kanilang chopper papuntang USS Blue Ridge.
Tiniyak naman ng US Navy na nasa ligtas na kalagayan ang naturang mga aircrew.
Batay sa paunang imbestigasyon, ang MH-60 na naka-assign sa Blue Ridge ay bumulusok habang nagsasagawa ng routine operations bandang alas-5:15 ng hapon.
Lumahok din sa search and rescue ang mga kinatawan mula Japan Air Self-Defense Force, Japan Maritime Self-Defense Force, Japanese Coast Guard, USS America (LHA 6), at Blue Ridge.