-- Advertisements --

Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte kagabi, Disyembre 22, 2020 ang temporary suspension sa lahat ng flights mula United Kingdom (UK) simula bukas, Disyembre 24, 2020, 12:01 AM hanggang Disyembre 31, 2020.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, batay sa Resolution 90 ng Inter-Agency Task Force for the Management of the Emerging Infectious Diseases (IATF), lahat ng mga pasahero na nasa UK sa loob ng 14 araw at didiretso sa Pilipinas, maging ang mga in transit o lay-over lamang ay bawal pumasok sa bansa sa loob ng nasabing period.

Pero ang mga pasahero mula UK na darating sa Pilipinas bago ang 12:01 AM ng Disyembre 24 ay hindi saklaw ng entry restriction, bagkus kinakailangan lang nilang sumailalim sa mas mahigpit na quarantine at testing protocols.

Kabilang sa mga protocols ang pagsasailalim sa buong 14-day quarantine period sa Athlete’s Village sa New Clark City kahit pa negative result sa RT-PCR o swab test.

Samantala, ang mga outbound travel papuntang UK ay subject sa umiiral na exit protocols ng Pilipinas at UK.