BACOLOD CITY – Free of charge ang lahat ng medical expenses ng mga magpopositibo sa COVID-19 sa bansang Oman na kasalukuyang nasa lockdown.
Sa ulat sa Star FM Bacolod ni international correspondent May Ann Bolotaolo Diangson, siyam na taon nang nagtatrabaho bilang nurse sa Oman, lahat ng magpopositibo, local o expatriate man ay hindi pagbabayarin ng lahat ng medical expenses upang wala nang alalahaning gastos ang mga naninirahan doon lalo at apektado ang lahat ng negosyo at establisyimento sa nasabing bansa.
Ito aniya ang isa sa mga naisip na hakbang ng Omani government para mapabilis ang pag-contain ng nakamamatay na virus at para mabilis na makipagtulungan ang mga naninirahan doon.
Dagdag pa ni Diangson, naglagay din ng mga van para sa mass testing ang pamahalaan ng Oman na magiging accessible sa lahat ng lokal na residente at mga expatriates.
Nagdeklara ng lockdown ang Muscat governorate noong Abril 10 na dapat sana ay magtatapos noong Abril 22 ngunit pinalawig ito ng hanggang Mayo 8.