-- Advertisements --

Nakaalis na ang lahat ng mga crew members ng cruise ship na MV Diamond Princess na nakadaong sa Yokohama, Japan at lubhang tinamaan ng nakamamatay na coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay Health Minister Katsunobu Kato, nagsimulang lumikas sa barko ang crew nitong Huwebes para sumailalim sa quarantine matapos makaalis ang huling bulto ng mga pasahero.

“Including the captain, all crew members disembarked,” wika ni Kato.

Aniya, nasa 130 katao, kabilang ang kapitan at 98 health ministry officials na nagtatrabaho sa barko, ay nagnegatibo sa virus.

Mananatili muna sa itinalagang dormitory ng 14 araw ang crew bago pahintulutang makaalis ng Japan.

Habang ang vessel ay idi-disinfect muna bago payagang makalayaga muli.

Kung maaalala, isinailalim ng Japan sa quarantine ang cruise ship makaraang magpositibo sa COVID-19 ang isang 10-anyos na pasahero na bumaba sa Hong Kong noong Enero 25.

Inulan naman ng batikos ang umiiral na quarantine procedures nang umabot sa mahigit 700 katao na sakay ng barko ang dinapuan ng virus. (AFP)